By Jose Mario De Vega
Ayon sa pahayag ni Ginoong Prestoline Suyat:
“Marcos, Duterte, PU___Ina Ninyo!
“Nagulat at napalingon kaming lahat kanina sa mga sumama sa rally ng Luneta nang i-chant ito ng mga batang kalalakihang nakaitim lahat, ang ilan ay nakamaskara at ilan iyong masks na gamit ng mga nagmomotor or naka-bike. Natawa ang karamihan dahil binago nila ang chant na “Marcos, Duterte, walang pinagkaiba, parehong tuta ng imperyalista!” pero pareho ang tono. Lumpen ang dating. Mapangahas. Pero ramdam na ramdam ang galit at protesta.
“Sa takbo ng pangyayari, sila rin ang suspetsa na sumugod sa Ayala bridge na nagsunog ng trailer van, namato at nakipagsagupa sa mga pulis. Sila rin iyon pinaghihinalaang grupo sa mga matatapang at mapangahas na sumugod sa mga pulis sa Mendiola.
“Agent-provocateurs? Ispotanyong masa? Anarchists? DDS? Lumpen na galit na galit sa malawakang korapsyon?
“Sketchy pa. Wala pang malinaw na sagot.”

Ang nakakairita, hindi pa natin batid kung sino ba talaga ang mga tao o kabataang ito, ngunit may ilan sa ating mga kababayan ang agad na nag-aakusa na kesyo sila daw ay komunista, pakawala ng kaliwa at mga anarkista na ang layon ay maghasik ng lagim at kaguluhan.
Nakakairita ito at talagang nakakainis na sa tuwing may ganitong mga “kaguluhan” ay kaagad na may mga utak-pasista at mga pulpol na pulbura na kaagad isinisisi ang lahat sa mga komunista o sa kaliwa. 21st century na, pero ang mga ungas na mga nilalang na ito ay utak-Cold War pa din, tila mga apo ng demonyong si Joseph R. McCarthy, at tagapagtaguyod ng Red Scare.
Hindi pa maliwanag ang mga datos at impormasyon, pero guilty kaagad (na naman) ang mga komunista. Ang problema, hindi naman nauunawaan ng mga mangmang na ito na produkto ng daan-daan taong pang-be-brainwashed ng mga Kano at ng atin din bangkaroteng sistema ng edukasyong gawa ng mga lokal na “teknokrista” kung ano ba ang Komunismo, Sosyalismo o kahit ang aktibismo!
Hindi maisip ng mga nilalang na ito na ang mga komunista ay isa lamang sa mga sektor o pwersa sa lipunan na nakikipaglaban para sa katarungang panlipunan at malawakang pagbabago sa sistema. Para bang ang mga komunista lamang ang may monopolyo ng pagmamahal sa bayan, sa kapwa at ibig ng pagbabago.
Gawa nga ng kamangmangang ibinaon ng sistema rin, hindi alam ng pang-unawa ng mga ungas na mga ito na ang lipunang Pilipino ay hindi lamang sa pagitan ng mga puti o itim na pangkatan, sapagkat katulad din ng iba pang Lipunan; ang lipunang Pilipino ay binubuo ng iba’t-ibang mga kulay, mga tinig, pwersa at mga uring nagpipingkian.
Hindi maunawaan ng mga tanga na ang mga hidwaan at sigalot na nagaganap ngayon ay produkto at manipestasyon ng kabulukan ng umiiral na “kaayusan”.
Isang malaking katangahan na sabihing ang mga “nanggulo” sa tulay ng Ayala, sa Mendiola at sa Recto ay mga hindi nakapag-aral, mga adik, mga kriminal, mga terorista, mga utak talangka, mga gangster, mga tambay, mga lumpen lang. Luma at gasgas na ang basurang “teorya” na ito, sapagkat ito din ang itinatak at inakusa ng mga tagapagbandila ng umiiral na kaayusan doon sa mga taong lumahok sa Edsa Tres noong Mayo a-Uno ng taong 2001.
Ayon sa pahayag ni Ginoong Michael Beltran:
“Sa totoo lang, yung pangungutya sa mga namato sa pulis kanina, at ito ang talagang nakakainis sa akin, may hibla rin ng pagiging matapobre eh.
“Kinamuhian noon ng ilang bahagi ng publiko ang pagsusunog ng upuan sa PUP, ang pamamato ng itlog sa mga opisyal ng militar sa UP, at ang pag-occupy ng mga homeless sa pabahay sa Bulacan.
“Pinagtanggol ito ng mga progresibo bilang wastong mga aksyong sumasalamin sa galit ng mamamayan. Ang kaibahan lang sa nangyari kanina, hindi bahagi ng mga progresibong samahan ang kalahok sa bakbakan.
“Tiyak lalo pang aabante ang kamulatan ng mga nariyan kung mabukas sa kanila ang mga talakayan, kolektibong paggawa atbp. May galit na sila eh. Sumasama na nga sa rally. Anong kasunod?”
Ang mga mahihirap at hindi nakapag-aral na mga taong yaon, mga adik, mga gangster, mga tambay, mga lumpen lamang at mga mahihirap pa sa mga karaniwang mahihirap na tao ay bahagi din ng tinatawag nating lipunang Pilipino. Sila ay hindi lamang produkto, kundi bahagi ng buong kompleksidad ng tinatawag nating lipunang Pilipino sa kabuuan nito.
Produkto din sila at iniluwal ng bangkarote at nutnutang napakawalanghiyang sistema ng pang-baryong brgy pinas!
Mahalagang makita din ang kontemporaryo nating kasaysayan nitong mga nakaraan lamang na mga taon. Ano ang historikal na konteksto ng mga Kabataang ito? Saan sila nanggaling? Saan sila nagmula? Ano ang kanilang pinagbubuhatan o pinaghuhugutan ng nasabing naglalagablab na galit at poot? Ano ang ugat ng mga hinaing na ito?
Ayon sa pahayag ni Bb. Jamela Aisha Alindogan:
“Anim na taon silang kinubkob ng tokhang. Gabi-gabi binalot ng takot ang mga komunidad. Dalawang taong ikinulong ng pandemya. Maraming nawalan ng trabaho. At ngayon, expected nyong matatakot sila nang basta-basta lang? Nagpupuyos ang lahat sa galit.
“Habang pinapanood ko ang mga video, pinakikinggan ko yung mga audio. Ano ba ang sinasabi nila sa mga pulis?
“‘Sobra na kayo! Palagi na lang kami! Ito para sa inyo!’
“Sabay flying kick.
“May isang sumigaw: ‘Ibaba ang presyo ng squid balls at kwek kwek!’
“Pinagtawanan siya. Pero half-truth yun dahil yun ang meryenda ng maralita, ng manggagawa… ng ordinaryong estudyante.
“Habang ang ilan ay nakapaa at tumatakbo, ang iba nama’y tumatakbo winawagayway ang watawat.
“Oo magulo. Nagbasag. Nagwala. Posible din na may ilan na na-udyok. Pero ang istorya ng Maynila ay nakadikit sa istorya ng Pilipinas. Yan din ay pulso. At sentro. Pakinggan naman din natin yung pintig.
“At aminin man natin o hindi – nagtimpi man ang mga pulis mas matindi pa rin ang dahas nila. Mas malakas talaga ang pwersa ng gobyerno. Kaya nga may kasabihan: to whom much is given, much is expected.
“Aminin nyo din- you broke their trust.”
Noong 2001, matapos ang madugong Edsa Tres (na hindi gasinong kinikilala ng establisiyamento) maraming mga kritiko-iskolar at mga inletektuwal daw ang nagtanong: did we failed our poor?
Ngayon, napakahalagang maipatampok at itanong: Did we fail as a society – our poor lads?
Sila bilang mga tao at mga mamamayang Pilipino ay may mga damdamin din, may pag-iisip at ahensiya. Hindi sila mga bulag, pipi, bingi o mga bagay lamang na nasa loob ng ating Lipunan. Bilang mga bahagi nito, sila din sa abot ng kanilang pang-unawa at pangdama ay nag-aanalisa din.
Sa kanilang abang katatayuan, sila ang madalas na biktima ng mga sakuna, delubyo, baha at kawalang pagkakataon. Huwag sana tayong sumama o umayon sa mga tanga na nagmemenos, nangmamaliit o nagbubura sa kanilang pag-iral. Sila ay may kakanyahan ding gumalaw at kumilos ng batay sa kanilang mapagpasyahan.
Kaya madiin kong pinupuna at kinokondena ang mga nilalang na nagwawalangbahala sa mga kababayan din nating mga ito. Sa wika ng namapaya kong guro na si Propesora Teresita Maceda at Propesor Monico Atienza, sila ay mga tinig din; mga tinig mula sa ibaba ng pinakalaylayan ng ating bulok na lipunan.
Nakalulungkot lamang at ito ay ayon sa pananaw ni kapatid na Elijah Joshua Benjamin Aban:
“Sa bandang huli, ang mga taong sabik sa pagsagawa ng Nepal at Indonesian style na rally, ang siyang unang nag-disown at humusga sa mga kabataang uhaw sa pagbabago.”
This is a shame!
Maaaring marami sa ating mga kababayang tungaw ang hindi pabor sa kanilang mga ginawa kung mapatunayang sila nga ang gumawa ng mga inaakusa sa kanila, ngunit napakahalaga na ating maitanong, katulad din ng mga tanong natin noon sa kaganapan at kasagsagan ng Edsa Tres: ano ang nagtulak sa mga batang (lumpenic GenZ?) ito upang gawin ang napakamapangahas na mga gawaing kanilang ginawa?
Tila nagtagumpay ang pwersa ng nasa kadiliman na ilihis ang sentral na isyu. Ang pinakaugat ng buong pangyayari ay ang malawakan at garapalang korapsyon na umaabot na sa Trilyong piso hinggil sa mga Flood Control projects, ngunit nauwi tayo (na naman) sa communist, anarchist at lumpenic blame game?
Ayon sa isang Kabataang raliyista sa isang video sa Recto:
“Ang mga magnanakaw ang ipinagtatanggol nila!”
Yung mga satanistang mga magnanakaw, mga political dynasties, nepo babies, mga evil contractors, mga ahensya at instrumentalidad ng gobyerno, mga involved na senadogs, mga tongressmen/women, mga mandarambong, mga kawatan at mga demonyo sa ating Lipunan, hindi ba’t sila ang mga tunay na marahas at mga bayolente?
Paano at kailan natin sisingilin at pagbabayarin ang mga demonyo at mga satanistang mga ito?
Ayon sa pamosong manunulat na si Mark Twain:
“When the rich rob the poor, it’s called business. When the poor fight back, it’s called violence.”
Gayundin, ayon kay Dom Helder Camara,
“When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist”.
Pinanghahawakan kong ang tunay na marahas at bayolente ay ang isang sistemang pumapatay sa pangarap at kinabukasan ng ating mga Kabataan – mayaman man o mahirap, lumpen man o hindi!
Isang sistemang satanista na walang katarungan at nakabatay sa pagnanakaw at pamdarambong!
Labis kong ikinagagalit na nauna pa ang mga lumpeng mga Kabataan na yaon na mahuli at makulong, kesa sa mga magnanakaw at ngayong ika-53 anibersayo ng pagpapataw ng Batas Militar ay dumanak muli ang dugo sa makasaysayang lansangan ng Mendiola.
Tatanggapin na lamang ba natin ito?
Bakit tila hindi tayo natututo sa mga aral ng kasaysayan? Talaga bang pang-baryo o pangbarangay lamang ang lebel ng kaawa-awang bayang ito?
Ang mga magnanakaw ng bilyon-bilyon ay idinadaan pa sa di-umano’y due process daw, ngunit ang nangunguha ng isang kaing ng prutas ay kulong kaagad?
Ang mga demonyo ay may Karapatan, ngunit ang mga maliliit ay kaagad dinarahas?
Hinihingian tayo ng mga gago ng permit para mag-rally, pero hindi naman tayo hinihingian ng consent sa kanilang pagnanakaw?
Ang mga kawatan ay malayang nakakapagsalita sa kanilang mga platforms, ngunit tayo ay kailangan pang makipaggitgitan para ipaglaban ang ating Karapatan?
Mga utak-adik? Mga utak talangka? Mga terorista? Mga tulisan? Mga masasamang elemento? Mga mararahas? Mga bayolente?
Tanong:
Sino ba ang tunay na marahas at mga bayolente?
Yung mga satanistang mga magnanakaw at demonyong mga mandarambong o yaong mga kabataang yaon na tinatawag na lumpen na nagpapakita lamang ng kanilang galit at poot sa sistemang ito na nangwasak ng kanilang mga buhay at kinabukasan?
Ewan ko, pero hindi kaya kinakailangan na nang mga Kabataang yaon ang humawak ng armas?
Bilang kasapi ng isa sa rebolusyonaryong kilusan dini sa brgy pinas, sa personal ay humihingi ako ng tawad sa inyo na hindi ko kayo maabot at hindi ko kayo nabigyan ng pulitikal na pag-aaral, diskurso at direksyon.
Ibig kong malaman ninyo at ng buong sambayanang brgy pinas at ng Sandaigdigan na labis-labis ko kayong ikinararangal at kasama ninyo ako sa diwa, sa puso at kaluluwa!
Mabuhay kayo!
Mabuhay kayong mga Kabataang Pilipino! Padayon at #Maypagasa!
Ilublob silang lahat na mga magnanakaw at mga mandarambong sa baha!

Jose Mario De Vega is an educator for higher learning who pushes for social change not only in Philippine society but more over for government accountability. He is also a published author of multiple books, and currently a contributing writer for South East Asia Weekly news.







Leave a comment